"inaalay ko sa aking mga guru na nagturo sa akin ng totoong pag-ibig."
Inilibing ang isang demonyo bilang santo. At nakiramay ang buong sambayanan na kanyang inapi, ninakawan, inalipusta, sinaktan, binawian ng mahal sa buhay. Sa paanan ng hukay, bago ito tabunan, isa-isa silang dumungaw, at sa tangang bulaklak na puti may ibinulong na panalangin. Pagkatapos ilalag ang bulaklak sa hukay ay tumungo sila sa mga luhaang naulila at ihinandog ang natatanging larawan ng kanilang anak, magulang, asawa, kaibigan na nagdusa sa kamay ng patay. May bibigkasin silang maikling mensahe ng pakikiramay--madalas ay "sa dulo ng paglimot, tuloy ang buhay"-- bago umalis. Nang natapos ang lahat nang dumalo sa kanilang pakikiramay, ang hukay ng nabubulok nang labi ay napuno ng bulaklak--hindi na ito kailangang tabunan ng lupa, at ang patong-patong na larawan na naibigay ay lagpas tao ang taas--ganuon karami sana ang kamatayan na dapat danasin ng tagapaslang base sa hustisya ng kalupaan, subalit walang lugar sa puso ng mga mamayan ang pait o galit dahil ito'y umaapaw sa wagas na kaligayahan na tanging nagmumula lamang sa pag-ibig na hinuhugot malayong-malayo sa mundong ito.
11/19/16. Karangahan
0 comments:
Post a Comment