Rahan
Maisasalin kaya ang pag-ibig
sa rahan ng paglapat ng labi
sa lahat ng nakalantad mong ibabaw.
Hindi pagdadalawang isip, lalo na
pag-iingat, kundi pagrespeto
sa pagdating sa ibang tahanan.
Pagpupugay sa tarangkahan
ng harding ligaw, ang malaboy
na paguunti-unti ng hakbang
patungo sa pusod ng kabulaklakan.
Pagkiliti sa pagitan hindi pag-urong
ang nagpapabagal sa aking paglapag
sa sumuko mong pag-ilap. Hindi ko nais
na madaliin ang pagsaboy ng apoy
sa buong natuyo mong bansa.
Saglit ang alaala ng maikling
paglagablab. Nais kong punlaan
ng marahang apoy ang bawat dahon
sa iyong katihan.
Kaniig
Hindi bilang ang magsasabi kung ilang beses
tayong humigang sabay.
Tanging ang haba ng katahimikan lamang,
pagkatapos muling maghiwalay
ang ating mga katawan, ang magsasabing marami
tayong inubos na oras sa pagbabakasakali
duon sa katre ng nakapikit nating mga mata
na nakalutang, bahagya lamang, sa pagitan
ng sahig, at panaginip
ng isang totoong pag-ibig.
Puno
Walang bibig ang puno
ngunit tinawag nito ang aming pansin.
Sa paghahanap ng saksi sa sumpa
ng aming magpakailan pa man
dumulog kami sa payo ng puno
na kayang lampasan ang pagsingsing
ng taon sa aming mga katawan, buhay,
ang aming walang hanggan.
Nang itarak ko ang punyal ng pangako
sa kulubot ng balakbak
umayon ang aming tadhana
sa katahimikang ito:
sino ang makakatumpak sa disenyong
binabalak ng malihim na mga sanga.
TAYONG SA TAKOT, HINDI
Para kay Ate Ling-ling
PANAWAGAN:
“Maniwala kayo sa amin, sapagkat
kami’y dati ring tulad niyo!
Sumasayaw sa dibdib ng Sawa,
at naghahandog ng Kamandag!”
Tayong sa takot hindi makalakad mag-isa
ay hindi dapat matakot
ngunit paano natin haharapin
ang mga mukha niyo?
Tayong sa takot hindi makaalis sa pag-iisa
ay hindi dapat matalo
ng takot. Pero paano natin haharapin
ang mga itinayo niyong mga istruktura
na kami lamang ang nakakaintinding matakot?
Alam ba naming kung ano ‘yun? Dilim—hindi
niyo kayang gumawa ng Dilim.
Kailangan din naming lumabas,
humimlay sa sibilisasyon
ng tahimik na bangko sa plasa—
di ba ginawa yun para sa pag-isa?
Kailangan din naming Makita ang mahal
naming at ang kanilang mga Tala,
kailangan din naming sumigasig para makapasa
sa pagalakad sa pedestriyanong paraan—Normalidad
tuwing kumakalat ang inyong halakhakan,
lalo na pagsumasapit ang pag-dapit ng hapon, marami
ang namamatay sa lason ng sarili naming emosyon—
kaming hindi mahawakan, hindi makahawak—
ang turing namin sa sarili’y walang silbe—
sa mga payak na alikabok ng ordinaryo—
Malinis kaming monghe na sa Altar
dinalisay ng Katahimikan—May boses pa ba kami,
sakaling biglain niyong kausapin
sa kabilang ibayo ng nagbabakod sa atin,
na ikaw matapang at normal, ay nagsigasig
na silipin?
Pipilitin naming sigurong patabladahin
ang lohika sa mata naming kablangkohang
mukha ng lahat ng Anghel.
Pero huwag na huwag niyong ipakita
sa amin ang mantsa sa inyong ngiping kumain
sa mga karenderia at gotohan, ang nokturnal na karnabal
ng naglilingkisang mga katawan, kung saan nagpapasahan
ng laway ang buong bayan sa isang bulag na halikan
sa bakal ng pampublikong kubyertos.
May imahe na sa imahinasyon
naming ang iniwan naming bayan, na sa sulok
ng pinakamainit na temperatura ng laman, nakaantabay
ang kinatatakutan namin.
Intindihin niyo ang kalambutan
ng aming bakal. Naniniwala kaming ang Sawa
na may matang sinlalaim ng parusang impiyerno
at alinawnawang sing itim ng batong tinapyas
sa nakaliyad na mga bundok na nagsi-alsa
sa Limbo at paglimot, at sa mga pook na walang sinasantong ilaw,
ay nagkalaman na—mula sa isang higanteng ere
ng pangamba, hinubog na ito ng paulit-ulit
na mga gabing namumukaw ang mga panaginip—at sa mga katawang
nagitlang bumangon, walang ibang haharap sa kanila
kundi ang walang paumanhing kadiliman!
Hindi kami basta mga batang takot sa dilim.
Hindi lang basta ganito.
Pagtinititigan naming kayo ng matalas
hinuhuli lang namin ang ikinukubli niyong ahas—
at lahat tayo may kamandag, itinatago
sa pinakamaselang kalasag—at inaalagaan. Pangil
sa pangil, dito sa lupalop
ng predator sa predator. At ang kasaysayan
ng sagupaang ito, na nagpasambulat
sa maraming kamandag sa dibdib ng Sawa,
ang sa kanya’y gumigising at nagsiksik ng laman
sa Lakas. At kami ay taga-ramdam lamang
ng kanyang pagdausdos, ng kanyang puwersa.
Litrato ng hagdang nakatambak sa bakuran
Sa kanyang pag-akyat sa ating binababaan
Pagkatapos ng maraming taon
ng pagpapa-apak
lumuwag din ang turnilyo ng hagdan
sa Gabing ito’y umungol
nang walang dahilan.
Hindi siya ang halige ng tahanan
ang posteng nagmumukmok sa apat na sulok
ang ilaw na wasak ang katawan, taga-binyag
sa paganong mga anino, winawagayway ang kuryenteng
oliba sa limbong ang relihiyon ay walang
pag-ibig.
Wala na itong tuhod
na ipantutukod sa bigat
ng naipong pasensiya
sa kawkawan ng taas at baba.
At binungi ng minsang suwail
na sampal ang tabla
nang magdabog ang hindi pinayagang
paa.
Pero makakalimutan niya ba ang maingat
na dampi ng inumagang sneaker
na sa pagpapatahan sa katahimika’y
gumising sa imortal
na intimasiya? (At kahit ang mga kuto
niyang anay ay makapagsasabi
na wala siyang pinatulog na Gabi
sa pagsisilbi).
Nagawa niya na bang akyatin
ang taas, o babain
ang baba
kung siya ay nagkakasilbe
pag nasa gitna?
Paano kaya kung sa kanyang pagkakahoy
di na lang siya naging hagdan?
Kundi isang respetadong lamesa
o paboritong lumba-lumba
o kaya’y madunong na pasamano
ng mga libro?
Sino ba ang makapagpapalit
nang biglaan
ang kayang bumaluktot ng balikat
ng ilang taon—
madalian
isang mabilis na pagpilas
ng Huling Hangganan, ang tanging hiblang
nakabara sa lagusan ng isang galit
na pagpulandit—hinay-hinay na Alimango
ng Panahon, ang dapat humugot
sa sandalan, kung ang tahanan ay isang
palasyo ng baraha—
kung ito’y isang pagpipigil
ng tibok
kung ito’y hindi na muling
paghinga ng oksihinang
sumisid sa malalalang espasyo—
ang bakanteng katawang
sumisiksik sa mga puntod ng titik:
ang tulalang aklatan
ang humihigpit sa mga gusot na umiporme
ng beteranong kurtina, sinasala ang katinuan
sa palad ng bintana, hinihilod mula sa pribadong
likod ng hangin—ang banging ang hantungan
ay kinakapa pa sa dilim ng bulag na daliri.
Mapapansin na lang siguro
isang araw ang patlang
pag hindi na magkaintindihan
ang pababa at paakyat.
At ngayong nasa harap ko mismo
nakaratay ang patay na balikat
ang kahoy na ulap
na naglutang at naglapag
sa ating mga katawang
di nabiyayaan ng pakpak
hinihingi nitong iapak mo
ang teynga ng imahinasyon
sa imposibleng kalansay
niyang kahoy,
at pakinggan
ang alikabuking alunignig
ng mga tibok ng yapak.
Nararapat ba akong
sumaksi sa lahat
ng trahedya sa mundo—
ang hinanakit ng isang bayani,
na ngayong siya’y nakahandusay pa
di na puwedeng apakan?
*
Nakikiramay sa malayo ang pintuan.
Bahagya itong nakausli sa pagsaludo
sa kanyang kasama—para akitin
ang ilang sundanging silahis
ng bagong umaga na tagain
ang anino
at pagsuwayin
sa iba’t ibang sulok
ang mga hindi maluha
nang makaramdam naman kung gaano
humilap ang mangulila.
Bulaklak
Pinumpon ang buong kamay,
ang makalyong kamay, ang kamay
na sunog, ang kamay ng grasa
sa pagkakatuhog
sa malamig na baras
ng dyipning pasma, ang dyipni ng Maynila.
Sinisingil ng katahimikan
ang bawat pagod na mukhang
mukhang bangko, mukhang semento,
mukhang libro, mukhang kaha de yero,
mukhang alambre, mukhang estante at tisyu,
mukhang koryente at pala, mukhang pison at maso,
mukhang langis at makina—mga mukhang
nakasandig sa nanginginig na upuan.
Pauwi na naman ang gutom
sa sikmura.
Tiis, hele ng haplos ng kusina
sa mga eroplanong papel, bangkang papel
mga inililipad na papel palayas sa bintana,
nagpapataba pa ang pitaka sa opisina
bago katayin sa talipapa.
Pinumpon ang buong buntong hininga
ang hingal, ang pagal na hingal, ang hingal
na basa, ang hingal ng lupa
sa mga tahanang
sabay-sabay na nagsasara ng ilaw
at bintana
ang iyaking bintana
ang kurtinang luha
ang Maynila.
Inaako ng pintuan
ang bawat pagod ng katawan,
banko, semento, libro
kahe de yero, alambre, estante
tisyu, koryente...pala, pison
maso, langis, makina
mga katawan ng mukhang nanginginig
sa malambot na upuan.
Pagod na ang gabi
ngunit hindi maaaring mapanatag
ang isip. Kailangan nitong mabalisa.
Kailangan nitong maghanap ng kasagutan
sa mga saradong bangketa, simbahan at kalsada
kung kailan iilap ang pangangailangan
sa kasangkapan at pera
sa relihiyon at Dios.
At kahit may katapusan
ang imortalidad ng koryente
sa pagsaludo sa bandila ng telebisyon
hindi nito gustong lumaya
sa makina
sa isang magdamag lamang
sapagkat makina na rin ang nagsabing
“Tuhugin mo ng pagkakataong makamandag
ang lalamunan ng dambuhalang
nakangiti sa kanyang himbing
bago muling maging gising
at tayo ‘y muling maging matatakutin!”
At pinumpon ang buong puso
ang ispiritong humihinga sa gitna
ng dibdib, ang balat
sa basurahan ng bakal
ang sikmura ng kaluluwa
ang bulaklak
ng laman mo, Maynila,
sa tatlong batang isiniksik ng ulan
sa payong at pinagsasaluhan
ang kandilang nakatirik, unti-unting
tumitirik sa tilamsik ng tubig,
habang isa-isang inilalatag ang teks
sa malambot na yakap ng putik.