Isa sa mga tulang naisulat ko sa ma-alamat na apartment sa 1216 Sulu St., Sta. Cruz, Manila. Maaring nasulat ko ito sa gitna ng 1997 to 1999. Wala na kami nun ni I., (naging kami ba?) Ngayon, nakakagulat ang kasiguruhan ng tulang ito: ganuon ko pala siya kamahal; ganuon ko nga ba siya kamahal? Mas tama siguro ang tanong (hindi sa pag mamapait).
Maaaring minahal ko siya, maaaring minahal ko lang ang kanyang katawan, maaaring minahal ko lang siya dahil humahabol ako sa kanyang katawan, o maaaring lahat.
Pero, nirespeto ko ang taong ito, dahil halik lang at hawak sa kanyang kamay sa sinehan ang tinapang ko sa kanya. Kahit ibinukas niya sa akin ang pagkakataon, di ko sinapo ang kanyang suso, o kung saan man. Nakita ko na ang hubad niyang likod nang ayain niya akong masahihin ko siya sa kanyang bahay isang tanghali--at kami lang na dalawa, pero walang nangyari. Maaaring iniisip niyang mahina ako, o bakla ako, o di ko siya gusto, pero maswerte siya kasi ganun ko siya kagusto.
Sa isip ko lang siya hinahawakan na marubdob. Sa kanya rin ang imahe ng mga dahon sa puno bilang testimonya ng kung gaano kadalas ko siyang iniisip. At isinusulat ko minsan sa likod ng aking notebook ang bawat text niya sa akin, kahit baduy, mali ang spelling at cliche na ang mga ito.
Pero, naglalaro lang pala siya--dapat nakinig ako sa aking pinsan nang sabihin niyang nabasa niya yung text sa cell phone ni I na nagsasabing "I love you too.", habang nasa taas kami unang naghahalikan, pagkatapos naming kumain ng ponkan. Dito yun sa kwartong iyon, kung saan ko naisulat ang tulang ito. Sa maalamat na kwartong ito sa 1216 Sulu, St., Sta Cruz Manila, na ngayon nabili na ng isang pamilya at hindi ko na kailanman mababalikan. Senti feed talaga.
Pero sa tingin ko justified naman...medyo napapaniginipan ko lang naman ang apartment na ito every other day, or matagal na ang after a week.
Tatlo lang ang lugar na nais kong pagmultuhan:
Ang Tabaco Supermarket, ang 1216 apartment at ang bahay namin sa Tayhi, Tabaco. Sa ngayon, ang bahay sa Tayhi na lang ang intact. Nasunog na ang supermarket, mall na siya ngayon; at ngayon, "maayos" na ang 1216 apartment.
Pagnababasa ko ang tulang ito, naaalala ko ang apartment at ang lahat ng nakapunta, nakahiga, at nakasama dun. Maalamat nga siya. Kaya inaalay ko ang tulang ito di na sa isang babae kundi sa isang alaala:
AWIT NG ISANG DI NA MASISIRA
1
Na maaari niyang iharap ang sarili sa patay nang mga bituin at sabihing di na siya kailanman mahahawakan ng lupa.
Na sa mga gabing tulad nito, habang nauulol ang mundo sa pagsuyo sa umiilap na pag-ibig, maaalala siya at kung paano ko siya tinatawag tuwing inuukit ng pagod
na ilaw-siyudad ang kanyang mukha sa maduming pader ng mga gusali.
Mahal na mahal ko ang kanyang alaala, na mas inibig ko kaysa sa kanyang nararanas na katawan. Ito ang balat niyang di ko kailanman mahahawakan. Ito ang dalisay na di kailanman masisira ng lupa.
Nanasain ito ng mundo, tulad ng pagsinop ng arkeologo sa di niya nasipot na lumipas, ang pagsinta ng pilosopo sa hugis ng di maipaliwanag, ang dila ng Dios sa mga makata.
Na sa mga gabing tulad nito, di mawawalan ng saysay ang pagkirot ng totoong umiibig, di maiwawalang-bahala ang basang unan, at ang lamig ay iintindihin, patutuluyin bilang taga-hatid ng katibayang hinahanap ng nanginginig na braso ang malayo niyang init.
Aalalahanin ng gutom na mundo ang pagpuno niya sa akin ng laman. Kakapit ang mga nag-iisa sa gutom na ito at sila ay pupunuin ng pag-asam sa di pa dumarating na pagkapuno.
Awit sa isang di makita ang kanyang sarili sa piling ng walang katapusan!
Na maaari niyang iapak ang kanyang sarili sa di mabilang na dahilan at lalim ng kagandahang nagpapatunay sa dagat, na di lulubog, na di malulunod, sapagkat mas maganda siya sa dagat.
Na maaari niyang hiyain ang huklubang mga bundok, dahil di siya mauubusan ng kabataan, at patuloy niyang iaawit ang kanyang kagandahan sa ating paningin.
Ngunit siya ay tatanda at ang katawan niya'y bibigay, bibigat at susuko sa lupa. Ngunit siya'y patuloy na gagaan, magkakapakpak, sapagkat ang alaala niya'y kukupkupin ng lahat ng di pa minamahal, at sa bawat pagnasa nila sa kanya, muli siyang lalakad sa lupa.
Siya ang hugis ng pag-alalang makikita ko tuwing haharap sa basag na bintana, sa gabi.
Maaaring nagkita na kami sa mas panatag na panahon, ngunit ngayon ko lang siya nakita.
Ngayon lang ang kanyang init naging totoong nandito.
At ang kanyang kamay ang isa sa mga pinakamahirap intindihing himpapawid. Ngunit dito ako nakahihinga ng malalim at masakit humithit ng kapiraso ng kanyang kalayaan.
2
Sapagkat kailangan niya lang ako, habang walang katapusan ang aking pangangailangan.
Siya ay di na darating. Matagal nang nilamon ng walang kabusugang dagat ang buwan.
Ang totoong buwan. Hindi itong bungong nakatunghay sa sugatang daigdig.
Ang pag-ibig sa sinapupunan ng maliliit na bulaklak, di na makakatas. Wala nang awit ang gabi, mahal, habang nananatiling putol ang kuwerdas ng aking lalamunan.
Ang taga-hatid ng pakiramdam ay pinaslang na ng mga kalsada. At ako ay nabuwal dito at nabasag ang ngipin.
Mga balakbak
na di makalutang.
Walang hangin. May pakpak
ngunit di pipiliting ikampay.
Ang langit ay isang atungal
ng mga pabagsak. Kailan huling tumawa
pagkatapos malampasan ang mga uhaw
na panaginip.
Isang mainit na araw, sa palayan,
nginuya ng mga ibon ang mapa
patungo sa berdeng katihan.
Pagabi na, puno ng ungol
ang balite, puno ng patay na dahon
ang lupa.
3
Natagpuan ko siyang umiinom ng buhangin sa dalampasigan.
Ang uhaw niya ay ang kulay ng balakbak.
Ang uhaw ko ay ang kulay ng kanyang balat at kalangitan sa tanghali.
Ang kanyang buhok, ang sakitin niyang buhok ay ang tigang na uhaw ng mundo.
Puno ng kalasag ang aming mga sulyap, panangga lamang sa espada ng muling pagsandal sa kapwa katawang madudugtungan ng hininga.
Sabay naming inilantad ang sugat sa dilaw na araw, at naalala lang namin
ang kagabing pag-ibig.