Mga Bituin Kami sa Bubong ng isang Gusali sa Pedro Gil Malate
1
Dito kami tumutungo
bilang ulila at pagod
na makina.
Mga oras na alangan.
Pagnawaldas na ang barya
at kinang
sa pakikiapid sa mundo,
magpapasyang bumaba na
sa tsubibo
at iduwal ang lahat
na nilunok
na parang lason.
Kapag lamig na lang
ang tinatanggap na halaga.
Ito'y kapag ang lagim
ng gabi ay yumayabong
at inaani na lahat
ng anino.
Gamit ang pasuray-suray
na hilagang tala
gagamayin ang pauwi,
pero hindi makukuha.
Dito namin natatagpuan
ang sariling kumakatok
pagwala nang ibang pintuang
bumubukas.
Dito napapatag ang bako-bakong
kalooban.
May pansamantalang yakap
ng silungan ang salubong
ng tarangkahan
ng sala at hapag kainan.
Habang ang gabi sa labas,
umiindak ng sayaw
ng mangangaso.
Tumataga ang talim
ng neon sa salamin
ng bintana, bulaga
ng kidlat na umuusig
sa mga traydor at pader.
Pero nakaakbay ang init
ng magkakarugtong nating paghinga
na parang isang mahabang kuwento,
habang isa-isang humahalik
ang ating mga labi
sa mapait na baso
sa ritwal nito ng pag-ikot.
Di na muling nagagawi ruon
ang aking paningin, sa pangitain.
Sisindihan natin
ang lahat ng sigarilyo
hanggang sa mahilo tayo
at magnasa ng katabi
sa higaan.
Nagigi tayong malumanay
sa ating kasakiman na mahalin.
Kaya ang madaling araw
ay natitiis nating
walang unan
upang makatikim tayo
ng pagmamahal.
Tumutungo sa damuhan
at dun natutulog
kasama ang nais mahalin.
Lumilikom ng matamis na alak
mula sa mga taon,
nagkukuwento ng kahindik-hindik
na multo,
nagtatawag ng lamok at lamig
upang di pumikit
ang nais mahalin.
Pag ang pusong ganito nababasag
kumakatha ng luha ang kabibe
humahakbang ang mga ulap
sa kanilang kamatayan.
Sa gusaling bahay na ito
ang maraming pag-ibig
na binuklod sa buhangin
at pilit itinayo
sa kabila ng walang dudang
kakayahan ng hangin
na mangguho.
Pag ang pusong ganito nababasag
tulad ng paghakbang ng mga ulap
wala itong tunog.
Kung may pagmamahal
tulad ito ng kabibeng
kumakatha ng luha
sa dalisay na liblib.
2
Mabigat ang oras
ng pag-uumaga.
Upang ang dilim
ay makapagluwal
ng isang araw
kailangang humugot ng lakas
sa mga lupaypay na katawan
sa kabaong ng katre.
Pero hindi tayo natatakot
maubos o matigang.
Umaapaw tayo
mula sa ating
mga bibig.
Ang kaluluwa natin
ay walang katapusan.
Di ba't ang mga tulay
ng ating labi'y pinagdidikit
upang magtagpo
ang mga sarili?
Kaunti na lang
at ang mga mukha natin
ay hahalik na
sa kalawakan,
sa matubig nating paglutang
duon sa bubungan
sa pagsalubong sa paglantad
ng araw sa Maynilang
walang maaalala sa nangyari
ngayong gabi.
3
Ang pagpanhik natin sa bubong
ay pagakyat sa bahay na hangin.
Kahit di mahawakan
ang mga bagay sa malayo,
basta nananatili,
ay atin. Tulad ng ilaw,
tulad ng dilim.
Dito sa bubong,
buo ang ating kaloobang
bubong natin
ang kalawakan.
At sa bubong na ito
tayo ay mga bituin.
Si Christina, si Antares
si Kathleen at Maureen
ay nandito. Nagaganap sila
sa kadiliman bilang hugis
ng mayuyuming nilalang.
Si Joel na isang masidhing planeta
at ang patay na bituing ako
ay naririto.
Kinumpol na mga sulak
sa kaibuturan ng tikom
na bulaklak, sa isang iglap
isang uniberso, tayo.
Marahil maraming kawangis
sa ibang hardin at panahon:
bumukadkad, lumagablab
at natupok.
Sapat na iyon
para tawaging buhay.
Sa pag-idlip namin,
dapat lang
na bumangon na ang araw
upang dito'y humalili
ng kabuluhan.
BMC Naga, March 04 2004.