"Naalala ko ang mga Umaga sa Balara"
Minsan nung ‘99, nakisiksik ako sa isang maaliwalas na lumang bahay na ginawang boarding house sa Balara sa mga huling taon ko sa UP. Kagagaling ko lang nun sa isang mahabang bakasyon sa lalawigan (pinapalawig ang pisi ng isipan :) ), at nagbabalik sa pag-eestudyante. Napag-isip-isip ko ngayong halos kalahati ng alaala ko pala sa Maynila ay nangyari sa gabi, sa ilalim ng mga artipisyal na ilaw—sa rilim kumbaga. Subalit dito sa muli kong pag-litaw, sa bahay na ito, ang mga alaala ko ay ang mga umaga. Ang mga almusal. Ang kainan sa maliit na kwartong kusina din; ang maliit na kaldero; at ang mga usapan pagkatapos kumain sa ka-board na dalawang bikolanang tibak, at isang weirdong probinsiyanang conyita. Para ngang ang pagtira ko dito ang epitomahe ng pag-gising pagkatapos ng isang basag na gabi ng kasenglotan, at kung ano pang pagpapakalaglag. Dito ako natutong magtsaa at maalala ang lasa ng pagkaing ikaw mismo ang nagluto. Malinis na mga alaala, wholesome, halos tulad ng mga panahong naniniwala pa ako sa aswang at kay Santa.
.
Kasama sa alaalang ito ang isang matagal nang kaibigan, si Bun, kaya bale pagpupugay din ang entry na ito sa pinagdadaanan niya ngayon, at sa kanyang mga paglalakad, at ang di na maiiwasang paghahanap-buhay. (Marami kaming shared memories ni Bun sa Bahay-Balara, tulad ng pagbisita ni Lorie at Dat isang weekend at nakita nila ang malinis naming kwarto, at nagtype-type sila sa makinilya ko, at pumunta kaming UP Film Center pagkatapos...marami pa, pero itong mga 'to ang mas ako lang.) Sa aking paniniwala, dito ko naisulat sa bahay sa Balara ang aking mga pinakamasasayang gawa. Positibo at puno ng pananampalataya. Sa likod ng paalala sa akin ng isang Analiza del Rosario na huwag muna akong masyadong magbababad sa mga mabibigat na usapin at isipin, naranasan ko ang ligwak ng mga ideya, na tila natipon ng ilang buwan-- at di ko sila pinigilan. Tinatamasa ko ang panibago kong kaligayahan, ang reklamadong alab.
.
Naalala kong sinusulat ko ito (ang mga nasa ibaba) habang iginuguhit ako ni Bun, umuulan ata sa labas, at isa iyong Sabado o Linggong tanghali. Merong feel ang panahon ng isang epikong Chinese Film sa UP Film Center, at kaunti lang ang nanunuod. Walang masyadong salita nun, at marahil may iniinom kaming mainit. Nasa terasa kami na siya ring common at study area. Parang ang steady lang ng instance. (Kaya nga photographic ang epektong lumabas.) Parang old Manila, yung Tayuman Manila sa ilalim ng riles ng LRT, na sa halip na langit ang matitingala mo'y mga lumot at kung ano-ano pang mga nakapulupot. At laging may tumutulo.
Minsan malulungkot ka lang pag nakakaalala ng isang masayang panahon. At naaalala ang masasayang pangyayari madalas pag walang masayang nangyayari. Yan yung parang nagkaroon ka lang ng buhay sa nakaraan. Syempre isa itong ilusyon dahil nung nangyayari ito’y marahil di naman natin sinabing “ang saya ko ngayon”...tila mas malapit sa katotohanan ang sambit na: “ang saya ko nuon” Patungo na naman ako sa mga salitang paulit ulit ko nang nasabi kaya huwag na. Eto na lang ang litrato nun:
.
Umaga:
4
Sa gitna ng umiibig
at iniibig, ang Paghinga: ang paghithit
na tumutulak sa musika, at ang pagbugang
humihila sa Tubig
na kaladkad ang pagpatianod
ng mga katawan—ang mga kumawalang
talulot mula sa pamilya ng kumpol
na binubuklod ng Pakiramdam,
ang pagputla ng Klabel: alam ba nila
ang kanilang pangangailangan?
Musmos, bukol na sa basang kongkreto
ang salamin nabuo, ito ang sarili mo:
ranasin mo ang espasyong dinaganan
ng dahilan ng iyong pagiging nandito.
Ito ang itinaboy mo’t kinupkop na lugar
humihinga ang paligid sa kanilang pag-alis
at paghimlay.
.
5
__, nang matagpuan ko ang Pag-liit mo
hindi mo muna pag-aari ang iyong tiyan.
Dalaginding, kinuyom ng Sakit
ang iyong hugis—sa bangko, ano ba’t
tinabihan ka ng maraming higanteng
tinititigan lang ang mga lugar
na wala ka? Tinupi kang parang papel
na bapor, sa laot na pinalalim
ng iyong Tubig. Ano ba naman ang palad
ko’t kamay, para sagipin ka sa sarili
mong luha?
Ah, saan kita hahanapin dito!
Saan ko ikukubli ang nabasag
na mga pigurin, ng mga anghel, sa ating
paglalaro ng init—didiligan na lang ba ng Tubig
ang tigang na plorerang iningatan sa dibdib ng Kabinet?
At ipakain sa dilim ang mga umagang di na darating. Sa saya
sa ligaya
ng ulan, at mga estatwa ng antenang
itinikas ng Kasawian, ang Unos, ang pagliyad
ng mga kaymito, upang ipakita ang mga ginto nilang tiyan,
dito, ang pagkulubot ng mga Kastilyo,
ang paglawak ng mga ulap, ang paghasa sa mga kidlat,
ang pagkabuo ng mga miserableng sanaw sa baba, sa imburnal
ang luhaang mata ng mga daga, ang emosyon ng tahimik
na mga ipis, sa dingding,
ang mga lugar na di pa natin nararating,
ang Ulan. Ang hiyaw ng mga musmos,
ang kamatayan ng Tubig sa sinampay
at ang nakatagong Araw, sa kalawakan,
ang Ulan
sa maraming ulong karga pa
ang naghihingalong mga panaginip:
ang pamana ng yumaong Gabi, ang Pag-Ibig,
dumadausdos na parang agila, sa siko
ng kanal.
.
__, grabe na ang kalungkutan ko
ngayong natagpuan ko na ang mga lugar
sa aking panaginip. Ang Mayang tinawag
nating bobo ay nag-iingat sa mga nakadipang
kable. Pakinggan mo ang aking Tubig
sa iyong bubong, ang pagkatunaw ng hangin,
at ang init ko, isinasagot, maalab, diyan
sa iyong kumot.
Anong mas Kawalan pa
ang maidudulot ng Palabirong hangin
sa Pananampalataya ng mga bata,
na humihinga pa ang pakpak ng mga balana,
sa pagpulot sa patay nang katawan
ng paru-parong biglang tila muling lumutang,
lumiwanag, pagkatapos iburol sa sanaw ng kanilang Pag-tubig!
Sa Gabi, tuwing nakaliyad ang tiyan ko
katapat ang sibat ng mga basag na bituin
ang hindi nagpapatulog sa akin ay ang kahinaan
ng langit na kumapit sa kanyang mga patalim.