Nakalimutan ko nang magutom simula pa kahapon; Sinusubukan kong kalimutang mauhaw hanggang ngayon. Dahil ang diyos na nagsuot sa akin ng kadena ay nakalimot na ako ay kanya at siya lamang ang aking pag-asa. Sa lakas ng tawa niya sa harap ng tunog ng tawanan di niya marinig ang aking tawag. Nang magdilim ang kanyang tuluyan at tumahan ang tirahan, tumawag ako. At marahil isa pa o dalawa. Ngunit marahil ikinumot niya na ang gabi, ang dilim, at ang katahimikan.
Alam kong may isa pang diyos. At nakatira siya sa kabilang ibayo. Sa likod ng pader na may bubog na sibat at ahas na tinik. Sa loob ng kanyang sangtwaryo ang bakal niyang setro na bumubuga ng tingga at apoy, tulog na halimaw na naghihintay na kalabitin. Mahirap makalimot habang naririto sa loob ng katawan, kailangan kong makakalas at parang ito na lamang ang tanging paraan. Tatawagin ko siya, hanggang igawad niya sa akin ang kanyang awa sa anyo ng kalayaan mula dito sa nagdurusang lalagyan.