Una wala akong masabi; pero nasesenti ako. Nahalungkat ko to sa mga lumang folder na itinago ko pero di na maisip na buklatin. Inaamin kong di na ako kasing "proud" sa mga salitang ito tulad nung una ko silang nakita sa papel...pero mayroong tinatawag na 'pinagsamahan', na kayang magbigay ng konsiderasyon.
Dito, nakita ko kung ano ang nawala sa akin. At nakita ko rin kung ano ang inani ko mula sa mga taon. Hindi dahilan sa akin na wala namang mangyayari sa pagsisisi kaya wala akong pinagsisisihan, pero dahil tanda ko pa rin na totoo ang galak na naramdaman ko nung kinakatha ko ang mga ito, kaya wala akong "regrets".
Yun. Hindi ko na ibibigay ang kontrebersiya ng mga pangalan na nasa titulo, (siguro matanda na ako para sa intriga) sa halip tawagin na lang natin itong "ang mga nasabi ko sa aking kabataan":
Madaling Araw:
1
Sa aking palagay, dapat matutunan nating matulog nang maaga.
Iwasan na ang pagkakape para hindi padalusdalos ang desisyon
at siko. Dapat may sarili tayong unan at di nakikipagsabunutan
ng kumot. Ang puwede lang nating paghatian ay ang sulok
ng kulambo. Sa ganitong pag-iisip, malinaw tayong magigising
sa umaga, pagkatapos ng malusog na mga panaginip. At hindi
maupong tulala sa harap ng tarangkahan at naghahanap ng antok
sa pagod na mga bato at basag na mga salamin. Mahirap ring maligo
kung nangangalay ang buhok at bitin ang unan. Hindi
maganadang sabunin ang puyat na balat at gambalain
ang pagputok ng taghiyawat. Huwag pamarisan ang laging gising.
Ako na ang bahala, huwag nang mag-alala, sasabihin mo’y
naisulat ko na.
2
Ano nga ba ang nais mong sabihin? Ngunit
kinukwenta ba ang mga salita,
di ba’t numero lang ang binibilang
ba’t pati oras? Naiisip ba ng mga nabubuntis
ngayon na maaaring mawala ang Pag-ibig
sa puso ng kanilang kapwa katawan? At pagpumapatay
ng ipis, dapat bang tawaging bayani
ang tsinelas? Mas mahal ko kasi ang tao
kaysa sa hayop, kahit na lahat tayo
ay humihinga at binuhay sa gatas
ng ina. Ayokong sirain ng hindi nakikita,
ng panahon at ng emosyon! Pabayaan! Sapagkat langit na
sa istupidong daga ang kumalmot sa likod
ng hagdan. Pagsisilbihan mo ba ang telebisyon,
dahil inuulit nito ang nasawi mong mga panaginip?
At pagsarhan ang umaga dahil hinugot ka nito
mula sa iyong pagsamba sa malumanay
na tawag ng kama.
Marami pa akong sasabihin, pero
uulitin ko lamang ang nasabi ko na.
At ikinalulungkot ko,
kung di ko natapatan
ng salita
ang iyong Katahimikan.
Eto ang aking notebook, ubusin mo
ang pahina sa pagpahid sa ‘yong Luha.
Sige na, gayong katawan mo ang huli
kong inibig, huwag mong itago sa akin—
ang iyong Pag-tubig.
3
Ipaliwanag mo nga, ipaliwanag mo nga
ang sarili mo sa akin.
Yung kaya kong lumabas sa pinaka-gabi
at magliwaliw sa iniwan mong mga lugar,
na hindi inaasulto ng karaniwang ilaw:
na aso ng bawat bahay na nag-iingat ng ginto.
O ng opurtunistang hangin, na magnanakaw
ng hininga.
Sige nga, ipaliwanag mo nga ang Takot
sa harap ng aking panginginig.
Tingnan lang natin kung mapipigilan mo
ang kamao kong pupuputok sa ‘yong dibdib.
Hindi ako masamang kaluluwa at hindi maitim
ang puso ko, gusto ko lang sabihin.
At—ah—Oo, mainit ang Gabi pag di ka dumarating.
At ngayong ako’y tunaw, Lamig
paano kita tatanggihan?
Halika’t saluhin ang aking pagkawasak.
Pigilin, walang pag-ibig na kamay,
ang paglawak—ang aking Pag-tubig.
Marami akong nais galawin, baguhin, burahin, pagandahin, ngunit sisirain ko lamang ang “ambience.” Irerespeto ko na lamang ang panahon, pakiramdam, at konteksto ng sitwasyon habang kinakatha ang mga salitang ito. Marahil mas mainam na lamang na ituring ito bilang isang larawan na nakatala sa tubig o sa hamog o sa sapot ng gagamba.