Nang masalubong ko ang hapon sa Lagoon
Paano ko pipigilin
para sa tulang ito
ang hapong nangyayayri
ngayon sa ‘yo?
Para namnamin kahit ng mata
ang hindi nakayang lunukin
ng kaluluwa.
Maniwala kang bumibigay
ang kisig at bisig,
maging ang halkhak na kayang
tabunan ang mundo
ay napapaos. Marahil
sa pagbibilang, kung ilan,
ilan ang naging klase
ng berdeng nakikita ko
sa sabay-sabay mong mukha
(at ang buhay mong walang bilang)
makukumbinsi ng pakiramdam
na lugmok sa loob, na huwag
umalis nang mabilis
ang mga sinag at silahis
na tanging musmos at mapaglaro
pa ng emosyon.
Sa pagtuturo, sa pag-iisa-isa, sa pagsamba
(na hindi nagagambala ng Katapusan)
at pagdudusta sa laman kong lupa lamang
at susuko sa katandaan,
makakahanap ng kaligayahan
sa iyong gumagalang kapanatagan
sa mga puno at sa dulo ng bawat dahon
sa mundo.
Paano ko tatanggapin
sa tulang ito na ang hapon
ay paulit-ulit na nangyayari sa ‘yo
ngunit di ka nauubusan ng hininga
sa pagbibilang kung kailan
darating ang walang hanggang
kalungkutan.
Tulad nuon sa España, sa ganitong gabi, sa ganito karaming tubig
kay Dat
Kung meron man akong hinanakit
sa pagbagsak ng langit, maliban sa tubig
ay ang iyong pagkapit na wala ngayon
sa braso ko na nuo'y nanliit na baka
bumigay o mabali sa higpit at lapit
ng iyong init, ang iyong balat
sa aking balat, ang paa natin
walang ingay
sa ilalim ng tubig.
Mula Mabuhay, hanggang Lacson
inihatid natin ang isa't isa
(kahit tayo'y dalawa) sa isang simula
na magmula nang matapos natin ang baha
ay nawalan na ng hangganan
ang pagdugtong ng ating mga lansangan.
Sa isang pag-ulan ibinuhol tayo
sa kasal ng pagtampisaw sa sanaw
sa isa't isa tayo humawak para di maitangay
ng paglimot sa imburnal at lagusan.
Ipinasya nating itigil muna ang pagdaloy
ng panahon at paglaruan ang naipong sandali
hanggang lunurin tayo nito sa malabong tubig
At tayo'y nalunod, oo, at ginusto nating
huwag huminga, huwag umahon.
Salamat at nagtiwala kang di ko hahayaang
madapa ka sa nakalubog na daan. Salamat
at di mo ako iniwang nangangapa
ng mahahawakan
tulad ngayon
tulad ngayon.
Agosto 5 2000, Sulu Sta. Cruz Manila
Byahero ako
Tangan ang yosi sa dulo ng alas-singko
namumuo ang gabi sa singit ng amor seko
mas yumuko ang ulyaning akasya sa gilid ng kalsada
Halos mabaliw ang pusang sinipa ko sa ulo
ayokong may ngumangatngat sa tsinelas ko
May piyano sa tuktok ng carillon, ang malambot na tite
ng kalungkutan, sa lagoon may nagkakantutan
habang sa tubig nabubuo ang plato ng buwan
Ang mga hulmahan ng dunong ngayon
mga semento na lamang, at ang mga alaala natin
ay pawang mga puwang sa upuan
Nangangati ang palad ko nang madaanan magsyotang
naglalampungan, may napulot akong panyo sa basurahan
Bumagsak ang langit habang nakasabit sa dyipning pa-philcoa
Dito natatapos ang mga punong kahoy, at ang lahat ng bagay
na maganda, walang bakanteng upuan, lahat ng kamay may nakabantay
na maskuladong kamao, ang masasayang tao, tumawag sa telepono
sa numerong kinopya sa kubeta kanina, nakahahalina
ang patalastas na “libreng pag-ibig”
sumagot ang humahalinghing na tinig
Bago ko ibinagsak sinabi kong: tulad ko
may bayag ka rin
Lumuwag na ang pitaka sa pangalawa kong kaha, nakisindi
sa koreyana, naupo sa paradahan ng mcdo, inaagaw
ng ubo ang hininga ko, nakakabobo ang mga plaka ng oto
Gusto kong kumain kaya lang nakakatamad
magpabuklat ng bag sa sikyu kung may bomba
Gusto ko lang tumayo at mapagod ang paa
para may dahilang magpahinga
Kung meron lang sanang makakasamang mag-ubusan ng laway
sa paglibing ng oras na namamatay
Dahil alam kong walang susundo sa akin
ako’y maghihintay
baka sakaling may magbigay ng sakay
Tumawid sa lansangan, kumutkot ng barya
sumiksik sa bus papuntang España
Kung saan antukin duon matutulog
Kung saan magising duon bababa
Hatod[1]
Sana walang hanggan na
tayong nagta-taksi.
Ang iba’t ibang ugong ng aircon
ay makikilala natin bilang kawalan ng salita
nang lugmukin ako ng tequila
at sinalo mo ako, silently.
Ilang beses huminto ang sasakyan,
ang pagtahimik ay pagkakataon,
pero di tulad ng dati
hindi ko matagpuan ang kamay mong
nagtatapik ng balse sa ‘yong hita
sa dilim.
Sinabi kong maganda lang ang Maynila
sa loob ng sasakyan.
Sinabi mo, Makati,
binago ko: Cubao.
Hindi ko alam kung bakit
gusto kong madulas
sa upuan—siguro hinahanap ko
ang iyong ulo o balikat.
Aminin na natin
masyado tayong nagkunwaring interesado
sa liwaliw ng ilaw sa Espana—
gayong natin namang alam
na ang sulyap sa gilid ng mata
ay mas nakakakita.
Saglit akong inaliw ng kumukupsit
na tubig sa wind shield; nag-init
ang gilid ng aking hita
at sa salawal masakit ang pag-umbok
ng alaala ng pagkalas
ng butones ng iyong blusa.
Maaaring bigo ang gabing iyon
sa pagsaway ng hindi makasinungaling
na kalooban: walang puso ang dibdib
na nangangakong may pag-ibig
ngunit ngayon kay daling hubaran
ng damdamin ang laman.
Gusto kong sisihin ang nakabuhol na alpombrang
namamagitan sa atin
kung sa kamay mo lang
nadarama ang importansiya,
ang malagkit na pagtigil ng oras
ang pagkabaliw ng matitinong…ang langit!
Anong impiyerno
ang dapat tumusta sa mga orkidyas
na pinamulaklak ng anino?
Kung hipo lang
ang pandama ng hangin?
Habang papalayo na ang taksi
sa isinasara mong tarangkahan,
habang sa loob ng sinasakyan
naging mas malamig.
Dormitoryo
Patay ang unan sa dormitoryo
Pinapabayaang kainin ang mga panaginip
Mo ng mga demonyo sa ilalim ng kama
Pagsasarhan ng katapat na bintana
ang pagliwaliw ng iyong gunita
At di ka patutulugin ng Katahimikan
at ugong ng nababagot na electric fan
Wala kang mauuwian
sa magdamag kundi ang puti
ng lamparang nakikititigan
Hindi mapakali ang maluwag na gripo
sa naninilaw na banyo
Binibilang ang oras na tumatagas
Paikot na lumilipas sa butas
na palad ng lababo
At ganito, ganito
ang walang
hanggan
sa
dormi
tor
yo.
Hunyo 26 1999, Balara.
Overnight sa grove ng U.P. Diliman
Inulan ngayong umaga
ang mga ikinubli
nating pangamba.
Kagabi, nang sa banig
nakahilata tayo
sa basang damo,
nakadagan sa dibdib natin
ang talampakan
ng siksikang langit.
Namimilog ang buwan,
ngunit mas inintindi natin
ang ating boses na binasag
ng nagmumultong haplos
ng nagbigting mga hamog
sa daliri ng mga bulag na puno.
Mas ginusto nating mamaluktot
sa lamig, at nakawan ng init
ang isa’t isa.
Hinilom natin ang antok
sa pait ng sigarilyo,
ngunit hindi nakahindi
sa pagpatong ng panaginip.
Hindi ko na nakita
ang ating pagpikit.
Ngayong umaga inulan
ang ating iniiwasan.
Sa tila walang patid na lubid
ng tubig, bumuhos ang kinatatakutan
nating walang hanggan.
Bumubuo ng dagat
ang wala nang madaluyang tubig
sa ating talampakan.
Ngunit kagabi,
bago ako humandusay
sa isang banig nating pagtabi,
nakatitig ako sa mga ulap
duon sa katihang mahamog.
Mahinahon pa ang pagsipa
ng kanilang sinapupunan,
ngunit tiyak ang pagluwalhati
ng kalawakan.
At sa tulog mong anyo
inulit kong natatakot ako,
natatakot ako habang lumalawak
ang nababagtas ng dilim.
Ngunit ngayong gabi,
mahal kita.
At natatakot ako,
natatakot ako ulap, lamig
dahon at damo,
sa umaga.
Setyembre 24 1999.U.P. Diliman-Balara, Pansol.
[1] bikolano, ibig sabihi’y hatid
Mga Lunan ng Oktubre
Posted by
Jai Jesus Uy Borlagdan
Sunday, October 24, 2004
0 comments:
Post a Comment