HARIBOL SURALISTA

HARIBOL SURALISTA
Pag-omawon an Kagurangnan, an pursang minabusol kan sakong pluma. Haribol.

Ang Lalawigan ng Niyebe
1
Katahimikan ang isinuot ng wagas.
Tabas ng matitikas na hardin ang anyo
ng kapatagan. Mga kalansay ng luntian
ang nakadipa, ang patpat na sanga
ng walang katas na mga kahoy.

Isang mabangis na katawan ang simoy
ang gutom nitong sumagupa
ay hindi maubos. Maghahanap
ng sasalungat, magnanasa
ng magagapi.

Lumalagablab ang sidhi ng lamig
sa antuking paggapang ng kawalan
ng malay. Ang mga pangil
ng bato ay may muhing iniimbak
sa puting pagtahan
ng sulak at bukadkad.

Naririto tayo ngayon
sa pastulan ng pait
dito, ang sakit ng pagputla
ay ibinibinhi sa ating kulay
upang turuan ang laman
na maglaho.

Kung tutuusi'y marami tayong mga katawan
na naririto sa lawak na wari'y walang laman
ngunit tanging bigat ng ating pinapasan
ang naglalagda ng bakas sa malambot
na yelo.

2
Mas matanda pa sa salita ang lupa
at naibigkas muna ang katotohanan
sa pag-uwi sa alikabok bago naisilang
ang pagpangalan sa mga nilalang.

Kakambal ng bawat pag-uha ng simula
ang huling pagtahan sa dulo ng kurdon
ng hininga. Darating ang araw ng pagtikom
ng bukal

na gumagawa sa tubig, huhupa ang sikad
ng alon ng kuna. Hindi ito pagbura
kundi pag-usad ng oras. Hindi ito pagtigil
ng pag-usad, kundi pagpatuloy ng bilang,
ang pagpanatili sa daliring ituro
sa dulo ng huli. Ang pagdaloy ay ito.

Marahil hindi guni-guni ang ginaw
na nagpapalingon sa atin sa likuran
at totoong may talampakan ang yabag
ng bumubuntot na hilakbot.

Di ba't tanging kalooban natin
ang kumukupas, hindi ang alindog
ng mga bulaklak.
Sa huli, ang labi ng alaala
ang maglalakad sa mundo
upang maghasik ng kalungkutan.

Disyembre 2001.Tayhi.


Sunog
Natapos na ang pagtupok.
At ang mga liblib at kubli
ng mga puno ay isa-isang
nailantad ng haplos ng apoy.
Kinunsumo sa lagablab
ng isang higanteng iglap.
Umawit ang apoy
sa mga sandaling
ang misteryo ng maraming siglo
ay napalaya sa anyo
ng mabagsik na lawin
ng alamat at kahel
na mga anghel, mula sa kulungan
nilang mga troso at balakbak.
Sumayaw itong nagising
na mga ispirito ng pananabik
sa mga oras na nginangasab
ng init ang matitigas
nilang katawan.
Habang natutong lumaya
mula sa mga kahoy
at luntian ang likas
na katotohanan ng pagparaya
ng kanilang katawan sa apoy
lalo ang paglago ng uhaw
ng sunog sa pagsimsim
sa matamis na sustansiya
ng kanyang pagsulak.
Hanggang sa natagpuan nito
ang pagpanaw ng sarili sa dulo
ng huling sanga, at duon
naglaho sa isang malamig
na pagtahan, kasama ang lahat
ng kumplikadong kagubatan
ng sapin-saping paghahabi
ng mga paglilim sa lihim
at paglihim sa bagsik ng lilim.

Sa umpisa hindi na matunton
sa lapot ng pagkubli ng mga dahon
at ugat kung ang lihim mismo
ang naglalang sa lilim
o nang dahil sa lilim naisilang
na lang ang pangangailangan
sa isang lihim.
Ngunit ang lumantad
sa ilalim ng pagkubli
pagkatapos ang sunog
ay ang payak na katotohanan
ng lupa. Ito, wala nang iba.
Pagkatapos ng kasal ng paglantad
at lihim, pagkatapos ng pagsuyo
at pagparaya. Hinawan lamang
ng apoy ang tanging magandang
dahilan na nagkukubli
sa higanteng kapatagan
ng katotohanan.

Marso 5 2002.Tayhi.


Ang Balana
Ang bakurang walang pait
ay ngiti ng isang istatwa.
Isang gintong bituin
na tanging ginto at hugis
lamang. May mga mas ninais
na ipinta ang kalawakan
at ingatan sa isang kahon
magpakailan man, sa halip
na magpalikom sa katawan
ng lahat at dumaloy
sa pulso ng walang hanggan.
Isa marahil itong takot
na ilublob ang paa sa ilog
na may agos ng mga ligaw
na sibat. Sapagkat mahirap
tumayo ng tuwid sa bilog
ng uuga-ugang tubig.
Mas may matematika
sa pampang ng magagaspang
na bato. Walang disgrasya
kung didistansiya sa walang
katiyakan. Mas matalino,
sila ang taga-iling
sa tadhana ng mga humuhulagpos
sa rahas ng daloy. Walang lohika
sa kanila ang aksidente
kung may pag-iingat.
Habang nakamasid sa ilang lumulutang
nang mga katawan sa tubig, may ngiti
sa tuyo nilang mga mukha
sa pagbasa sa babalang ipinaskil
upang ipaalala ang dahilan
ng di nila paglusong,
mamamatay silang matanda,
mas matagal kahit kanino,
nagpapakalunod sa umay
ng pagsipsip sa gata
ng matatamis na bulaklak.

Marso 2 2002.Tayhi.


Mga Tala ng Masalimuot na Pagbabagtas
May gitna ang lahat ng pagalakbay.
Halimbawa kung lilipat mula sa isang lungsod
patungo sa isa, sasapit ang malumbay na kabundukan,
uulit-ulitin ang iisang hitsura ng mga kagubatan.
Mayroong lamig ang gitna ng pag-usad. Isang lawak
na pastulan ng walang tinag. Isang pandayan ng hubog
ng patag at walang imik. Ito ang pagsapit ng bangka
sa gitna ng dagat, sa kuna ng heyograpiyang walang kurba.
Piitan ng paglapat ng dalawang bakal na palad:
ng kalawakan at karagatan. Maselang tulay ang pagitan
na magdudugtong sa linisan at daratnan, isang pagbabalanse
sa makitid na alambre ng pagbabakasakali. Walang ibang materyal
ang katedral ng kahihinatnan maliban sa nanghuhulang mga baraha.
Tanging ang malinaw ay ang paglutang sa mapait
na sanaw ng paghilom ng mga punit na talulot
at labi ng yumaong dahon. Walang kasiguruhan
kung itutulak pa ng oras ang pagtila
ng paglagas. O tuluyan nang lamunin
ng buhangin ang lahat ng bakas ng nabubuhay.
Walang nakakaalam kung sa hantungan nitong nalugmok
na mga katawa 'y may hagdanan ng muling pag-alsa,
pabalik sa mabagsik na ibabaw. Marahil sa paligid,
sa mga bahaging linupig at humiyaw ng kaluskos,
inuunat na ng malalambot na mga damo
ang bagong tinik ng paghahanda.

Nobyembre 2001.Tayhi.


Ang Hapon ay Panahon ng Paghabol ng Hininga
May apoy ang hininga ng himpapawid
malalim at mainit, antukin. Kilos
ay hindi ang sayaw ng lagablab,
kundi ang marahang paglakbay ng daliri
sa nakalantad na dibdib ng sobrang minahal
habang nasa duyan ng pahinga, marahil sa ilalim
ng punong hitik sa lilim. Marahil sa malawak
na katihan ng matatamis na bulaklak.
Oras ito ng salagubang
pagkatapos lisanin ng mga paru-paro
ang balana. At ang mga dahon
ay gumagaan, at ang mga dahon
ay nagpapahila sa lupa.
Ito ang musikang ayaw nating pakinggan,
dahil inaakay nito ang ating paa sa hukay.
Ang ilog ng oras ay sinisibat ng batuhan,
nilulumpo ng hubog ng pampang at pinaparusahan
ng tinik ng buhangin. Kaya may kupad
ang nagaganap tulad ng bagal ng ulap.
Paalala itong ganito ang katahimikan
sa dulo ng lakas ng ating loob na magpatuloy.
Sapagkat itong lawak ng lantay na langit
ay isang imbakan ng mga paglaho.
At ang mga alaala ay walang katawan
tulad ng panahon na siyang nagpaslang.

Disyembre 2001.Tayhi.


Tabaco Supermarket II
Tulad ng maraming salaula niyang kapatid
mayaman siya sa karukhaan. Malagim ang ilalim
ng kanyang mga mata na himbingan ng pulang kidlat
na sa lahat ng panahon nakaunat, lagda ng suntok
kabayong mga hating-gabi at ang mga pigil ng pag-idlip
ng dugo bago ang tilaok ng tandayag na tandang
ng kalawakan. Nakakasal ang kanilang mga kuyom
sa lalamunan ng bakulaw na paggasta. Dahil
walang patawad ang pangangailangan, sa bulemya hindi
marunong tumanaw ng mga bastardo at utang
na loob ang nakangangang kaha, habang ang pitaka
ay tigang na palayan ng tanso. Ang pag-ipon
ng biyaya ay pagkuyom ng tubig. May sakit
ng pagkabutas ang mga sisidlan ng halaga.
At ang ginto ng salapi ay mantika
kung matulog sa bakal na sinapupunan,
isang balyenang bathala sa puso ng armadong langit.
Tanging ang mga anito 't litrato ng relihiyong ito
ang masugid na pinagdidigmaan ng mga panatikong
mananamba. Hindi nila hawak ang payak na laman
ng kanilang diyos, ngunit kailangang sambahin
upang di talikuran. Kaya ang araw-araw ay nagaganap
sa pagbalik dito, paluhod man o lulan sa pilak
na karwahe. Sa walang musikang paraiso, kumakatha
ng musika ang sigaw, sa katahimikan, gumagawa
ng hakbang ang sayaw ng pakikibuno. Lahat para
sa debosyon sa walang maliw na diyos ng Laging
Pangangailangan.

Kung titingnan sa malayo, sa mata marahil ng turista,
ang pag-abot at pagtanggap ng mga kamay ay isang
bilugang supling ng kapayapaan. Isang pinag-isang
pagtahan ng pagnasa. Eden ng balanseng libra.
Pag-ibig.
Subalit karamihan sa mga pagtangis ay may ganitong anyong tahimik.
At ang mga ito madalas ang hitik sa kamandag. Pagnagugutom
ang sikmura, kinakain nito ang pakiramdam.

Isa akong pangamba sa kampon ng mga rosas ng lupit
pinipilit paglitawin ang kayumangging kahapon
ng pagkatao mula sa maliliksing katawan.
Ngunit isa ring bahagi ng isang halimaw ng ginaw. Marahas
tumawa halos kauri ang halakhak ng mga saglit na bato
sa kalawakan, pagnag-aanyong silab sa halik ng atmospera.

Dahil bawat maskara ay may totoong mukha at ang palabas
ay natatapos sa pag-umpisa ng pagpasok sa labasan
ng teatro o sinehan, walang ibang uuwian kundi ang mundo.
Kailangan ikubli ang pagkatalo sa kaliskis ng dambuhalang
may ngising-aso. At ang pag-tubig ng mata ay sa loob
iniluluha, na kahit lunod na 'y patuloy pa ring hihinga
hangga 't hindi tumitigil ang hangin sa pagdating.
Ilang ulit nang gumapang sa impiyerno itong mga nilalang
na walang ungol. May bituka pa bang ihahalang
ang sikmurang kumain sa kanyang sarili. Hindi lang
luntiang mga kagubatan ang sinapupunan ng bangis.
At hindi lang kamandag ng puno 't hayop ang elemento
ng kagubatan. Dito sa patag at makinis na kanlungan
ng sibilisasyon natutong maghasa ng sibat ang Roma,
pinerpekto ng Griyego ang panlilinlang, at ang maestro
ay ibinanta ng kanyang disipulo, dito
na pag itinikom mo ang iyong pangil ay kakainin ka
nang buhay ng kapwa mo mangangaso.
* * *
Ngunit nakadikit ang aking mga mata sa kulay
ng iba 't ibang payong ng antuking mangga, ubas at ponkan.
At ang awit sa dry goods ni Rodriguez ay alam kong sabayan.
Itinambol ko ang aking palad sa lamesa, inaala ang kalubusan
ng isang antigong awit. Sa kalsada, walang humpay ang ingay
ng nasusunog na gasolina, tinuturuan ng alahera ang kanyang bata
ng Abakada, at pangako ng luntian malayong-malayo rito.
Kung pinahintulutan ko ang pagdagsa ng umuuwing alaala,
di ko kailanman nakalimutang dito natutong maging
ang aking kaluluwa. Nagkakape ang dalawang matanda
upang patulugin ang kanilang pagpanaw. Gamit ang mahabang patpat
minememorya ng bulag sa kadiliman ang anyo ng daigdig.
Tinititigan sa meryenda ng mga kargador ang ipinaskil
kong mukha ni Bob Marley, binabasa ng isa ang koro
ng Redemption Song. Ang paglaya ay mga kalapating ayaw
dumapo sa lupa. Ang hapon ay isang busog na sawa,
sa antuking damuhan ng paulit-ulit, ulit, ulit, ulit...
Sarado na pala ang bigasan nina Caren, at hinahanap ko na siya.
Maraming lungkot, maraming pira-pirasong katawan,
ang naghahanapan ng kabuuan, naghahanapan,
ngunit ang mga mukha ay marami, na
di mo malalaman, kung sino ang hahanapin. Inalok ako
ng yosi ng nagtitinda ng tabak at labaha, pagkatapos ko siyang saluhan
sa pan de sal at malamig na mantikilya, "Huwag kang uminom
ng tubig na malamig at ang pansit sa sikmura ay magigising, mabubuhay"...tawa niya,
sa mukha ng maykapal. Masarap magreklamo sa perpektong mundo
ngunit dito sa totoo, ano pang sarap
ang wala sa 'yo? Ang langit ay ang kulay ng libo-libong
mga batang naghahabulan magpakailan pa man. Gusto ko lang sumagip
ng ilang tubig sa patuloy na ilog bago ito humalo nang tuluyan
sa walang awang yakap ng Inang Dagat. Umuusok na ang uling
ng isaw at atay ng baboy. HIndi na mapakali ang mga dyipni
sa pagpulot sa pauwing mga estudyante ng Sto. Domingo, Tiwi, Bacacay,
San Antonio, Ligao. Nasaan ka paraisong Maynila sa mga oras na ito?
Nalalaglag na ang kadiliman mula sa kopita ng panahon.
Lumulutang ang pandama kong lobong nabitawan ng bata
patungo sa bakuran ng langit, "Isa akong isda
at kahit papaano 'y nagi itong isang tubig", tuloy-tuloy
sa kamay ng mga anghel.

Pebrero 28 2002.(Saod)Tabaco Supermarket-Tayhi.





Ang pagsara ng mga bangketa

P.S.
"Hindi na kayang pigilan ng langit
ang dilim. Ililigpit na nito
ang natitirang liwanag at ilalako
sa ibang panig. Bago sumapit ito
dapat naiwan mo na ang lugar na ito.
Dapat ka nang dumating sa ibang
daratnan."

Isa munang katahimikan
ang kalsada. Isang di matiyak
na pagbangon at antok. Basta pagtigil,
saglit na pagtahan. Buntong-hininga
ng biglang pagpreno ng harabas
na kislot. Maaaring ito ang blanko
sa pagitan ng pagsalin ng segundo
patungo sa isa. Karamihan muna
sa mga nakatayo kanina ay nakahandusay
sa kurbang hulmahan ng butaka.
At maging ang hugis ng upuang ito
ay anyo ng laboy, mabagal na alaala
ng mga duyan at lumba-lumba, alaala
ng mga umaalong tubig at dilaw
na buhangin. Ito muna bago ang huling ganap
na pamumukadkad
ng galaw

na magsisimula sa isang palatandaan.
Isang tawag sa dulo ng hapon, tulad ng gripo
na nagpapakawala sa ulan
ang susulong sa nomadikong kampon
ng gumugulong na mga kariton ng lugaw
at murang kape sa puwerta papasok sa palengke.
Sa pagsara ng mga bangketa sila ang papalit
na mga tauhan (kahit bastardo) sa entabladong
guguho pagnaubusan ng laman at pagsulong.
Tulak nila ang isang tradisyon ng pagsiping
ng lamig sa daigdig sa ganitong mga sandali,
kaya sila naririto upang ipagdiwang ito,
serbisyong pangsikmura kapalit ng ilang barya
sa mga katulad nilang manlalakbay na ginutay
ng kanya-kanyang maabong daan.

Tatawagin din ang pagkalas sa mga payong
ng mga prutas upang hilahin sa mas masikip
na pasilyo, sa dungawan ng mas maraming gutom
at panlalaway, at duon muling bubuuin ang takam ng piramideng
hilaw na mangga. Hahagupitin ng pagmamadali
ng naghihingalong liwanag
ang nakalantad na likod ng mga tsuper
ng motorsiklo 't traysikel, trak at dyip
upang pakawalan sa kalsada ang kulog
at bilis ng kanyang napapanaw na alaala.
Ang resulta 'y nanlilisik na pagdilat
ng ilaw.
Ano ang nasa malamparang bukid
at hindi iniinda ng naglalako ng kalabaw
ang pahamak sa pagitan ng lumalapot
na gitgitan ng mga sasakyan makasabit lamang
sa dyipning pabaliksa nayon ng mga alitaptap?

Dahil sa debosyong ang bakal
ay hindi nilalang ng dilim
sa pagtanso ng sinag sa talim
at talas ng kanyang mga tabak
at gunting, ipinuputong na
ng mananabak ang huling haplos
ng asayte at gaas sa asero
at tingga ng kanyang mga likha,
upang imbakin ang sining ng talim
sa makikisig na kahon, malayo
sa paninira ng hamog. Halos
kalahati ng panahon ng pagtinda
ay inaalay lamang sa ritwal na ito
ng pagpapanatili sa bagsik ng bakal.

Sinusungkit na ang mga ibinitin.
Pinupumpon ang mga inilatag.
Ang radyo sa dry goods ay tuluyan nang tumahan.
Ang kalampag ng mga lata. Ang lagatik
ng mga kandado sa bigkis ng kadena.
Ganito pala karami ang ikinalat
sa pamumulot ng barya.

May ligaya ba dito sa pulit-
ulit, tulad ng pagkaskas
ng pulubing gitara o paglangoy
ng maninisid sa tag-init,
o pagtalik. Kung ito 'y gulong lamang
na walang kahihinatnan at pagod,
kailan ihihinto, at lalayo
ang sarili sa tsubibo
ng araw at kalawakan, sa isang
parke, o paglaboy sa bahay
at telebisyon, ang huminga
sa piling naman ng hangin
o maglakad at magtuklas
sa hardin sa labas ng lugar na ito,
bilang isang kulubuting kalansay.

Marso 5 2002.(Saod)Tabaco Supermarket-Tayhi.Tabaco City.

Karangahan Bulebard at ang kanyang mga Aso
Ito ang mga oras na pag-aari nila
ang daanan ko pauwi. Huli na para bumalik,
nakapanliliit namang kumatok sa nagpuntal
nang pinanggalingan. Malamang tinutunton na rin
lang naman ng ilan sa kanila ang likod ko.
At ang tinayuan ko kanina para magbakasakali
ng traysikel ay kanila nang teritoryo. Sinakop
at nilupig ang patay na mga bato, damo,
putik ng kanilang alingasaw at laway.
Balewala nang umatras, wala nang maaatrasan.
Maglalakad na akong tsibog. Lalo na

pag gabing malinaw at nakalantad ang puting
heograpiya ng karimlan, pag sa panliligaw o
pagdalaw sa yapos ng mahal maedyo naabutan
ng oras ng paghahati sa daan, kasing laki
ng buwan ang pag-ambang isusubo ko sa lalamunan.
Naaamoy na nila ang aking buto. Nanlalaway
rabis sa linamnam ng aking nginig.
Nakakahiyang amining takot ako
sa aso, pero totoo ang takot ko.
Anong mga salita ang isasagot sa tahol
nilang naninita, na ako ay dumadaan lamang
at walang balak na manakit, walang armas,
walang pangkalas ng kandado? Nais ko lang
makauwi na hindi natatakot.

Sa lumalagim nilang ungol na lengguwahe,
nakaalerto na ang sangka-asuhan
na parating na ako. Naiinip na marahil
ang ilan at sa pagkayamot na mabagot
tumatawid-tawid na sa lansangan.
Nanghahamon ng habulan sa ginabing mga sasakyan,
ginugulantang ang pauwing mga laseng. Nagbabakod
ng kaharian sa bisa ng ihe. Kaya ang kalsadang ito
ay isang lansangan ng panghe. Hinahabol
ng kagat kahit kabarong nagtatangkang lumapit.
Ganito kasugid sila manarabaho ng pagmasid.
Dahil di ba 't takot din ang nagpalaya
sa mga aso sa lansangan. Mistulang payapa
lang ang mga tahanan, ngunit ang katahimikan
ay sanhi ng pagramdam sa mga pangitain ng tahol
sa malupit na lansangan upang maging alarma
at mata, ilong at teynga ng praning nilang
mga panginoon. "Sana naririto si Crypton..."
ang asul kong motorsiklo para mabagtas
ang lansangang ito na walang tastas na laman.
Walang namang maton sa amin, marami lang aso.
Dahil kahit maton ay mapapagaan ang hakbang
kung magkamaling magawi rito. Tulad ko
ngayon at ang gabing nagdaan at mga sasapit
na dadaan sa maraming mababangis na teritoryo,
baon lamang ay bato at panalangin kay San Roque,
patron ng mga aso, "Senyor San Roque, talian nyo po
ang iyong mga aso."
Nababanaag ko na silang naghahanda
ng kanilang mga tropa 't hukbo. Nakatutok
ang nguso sa ihip, tinatahulan ang buwan
at liwanag, sinasamba ang banal na kadiliman.
Dito sa may Bulwagan (ng Katarungan)
ang pinakamarami at may sakop
na pinakamalaki. Rinoronda mula rito
hanggang sa beerhouse ni Almonte,
hanggang sa istasyon ng himbing na mga tanod.
Mula doon hanggang sa interseksiyon ng Karanghan
at Ziga abenyu, ang may bansag na Mabagsik
na Inahin at ang kanyang mga supling, bansutin
at tingting ngunit pinakahalang ang bituka,
walang sinasanto, tamang duda, di nagtitiwala
basta may paa at kayang tumakbo. Kaya maige
nang tumigil sa gitna ng kalsada at magmakaawang
padaanin ng payat na mga katawan. Minsan
naglalakad pusa para di maistorbo ang tulog
ng magarapatang tambay, nakahilatang
parang walang kamatayan sa kalsada. Sa may Tayhi
ang maiinit ang katawan, gabi-gabing nagkakastasan.
Madalas nang mailagay sa pagsubok ang tatag ng itlog.
Madalas nang rambulin ng talunang mga barakong
ako ang binalingan. Sa huli ang sa kapitbahay namin.
Lolo na pero may gana pang iharang ang katawan
sa makitid na daan. Ngunit pagbumiyaw ka, akmang babato,
kahit walang laman ang kuyom, walang buntot itong tatakbo.

May mga kuko
na akong naririnig.
Heto na ang matalik nating mga kaibigan.
Buong takam na tumatakbo
patungo sa akin,
para madampian ako ng halik:
"Bakit ngayon ka lang ginoong Tao, kanina ka pa
namin hinihintay, pinag-aawayan. Isang tropeo."

Pebrero 28 2oo2.Tayhi.Tabaco City.



Tagal
Walang hanggan
ng magpakailan pa man
ang multo nitong multo.
Isang mabagal na musika
ng patay at dapit
paikot sa ilog na
nakapulupot sa mundong
ahas ng agos. Multo
tulad ng langit
na kumpol ng mga lilang
bulaklak. Tulad ng ulan
at itom
ng kapeng iniwan o
nakalimutan
sa lamig ng balkonahe.
Puting kurtina
sa lumang bahay
na tuluyan nang
pinatay ang ilaw,
burdado ng ligaya
at lumipas na glorya
ng noon. Walang hanggan
wari ang bigat. Dito.
Sa tanggapan ng pait
at lason. Dito na siya
ring halamanan at lihim
na hardin
ng pag-ibig. Umuusad
tulad ng kalkuladong lingkis
ng relehiyosong sawa
ang bakod
ng siyudad at ng mga grasang
lansangan. Sa bakal na utos
ng isang blokeng bato
sa gintong trono, ang lamig
ay umuunlad.
Kaninong paglaya
ang ihip ng hangin.
Ang paghalimuyak
ng mga pangitain.
Alam mo ba ang daan
paalis dito, ikaw na nakakapansin
na walang pintuan?
Mamayang gabi
sa bughaw na tulog ng lahat,
muli tayong lilinlangin ng katahimkan
at pilit ilalayo ang ating mga katanungan
sa punto. Dahil bubuka
ang minsang pintuan
ng ngayon. Pupuslit
ang mga panginoong
walang hininga at kamatayan.
Sasabak tayo. Isang makisig
na kabayong kayang tagusin
ang ilusyon. Makikihati tayo
sa kanilang lagusan. Puno
ng enerhiya ng nagpasuklob
na lakas.
Hango sa karagatan.
Hango sa higanti
ng mga napaluhod
na taong-diyos.
Isang matipunong gulong
ng kidlat. Uhaw ng mga pumalyang
pagsagupa at pagpalag.
Walang lingon
ulo sa ulo. Tungo
sa kabilang kalungkutan.
Sa pugad ng mararangal
na halimaw na silang
humubog sa mga bayani.
Huwag lang ito. Huwag lang
dito sa lupaing puno
ng lupaypay na bulaklak.

Marso 2 2002.Tayhi.Tabaco City.




0 comments:

Ako Kalag Omay (2015)

Buhay-Gadan (2014)

Ha'dit sa byahe buda iba pang mga bagahe (2013)

Hamot kan Narumdom (2011)

Suralista: Mga Rawitdawit (2010)

Suralista: Mga Rawitdawit (2010)
Makukua sa: Gabos na Lucky Educ. outlets (Naga, Legazpi, Tabaco, Polangui, Sorsogon); Tabaco: Arden,Imprintados Advertising. Naga: Lucky Educational Supply. O kaya sa 0917 524 2309

Que Lugar Este kan Dayo sa Sadiring Banwa (2009)

Que Lugar Este kan Dayo sa Sadiring Banwa (2009)
"Maunod, magabat. Alagad makamuyahon ta magian basahon, ta makamuyahon saka labas an tanog. Makata, uragon." Gode B. Calleja. Abilable sa gabos na Lucky Educ. Supply Outlets; Kulturang Bikolnon. For inquiries:0917 524 2309

Maynila: Libro ng Pobya (1999)

Maynila: Libro ng Pobya (1999)
Makukua sa gabos na Lucky Educ Supply outlets buda sa Imprintados Ads sa Tabaco City. Para sa mga kahaputan mag-text sa 0917 524 2309

Karangahan Online

Karangahan Online
Karangahan: Pagranga sa Panurat Bikolnon. Kagibo: Jimple Borlagdan. Pinduton an ritrato para makaduman sa Karangahan

On Borlagdan's Poetry


A Rush of Metaphors, Tremor of Cadences, and Sad Subversions
By Tito Genova Valiente
titovaliente@yahoo.com

The first time I read the poems of Jesus Jaime Borlagdan, Jimple to those who know him, I felt immediately the seething movement of the words. There was a rush of metaphors in his works. I immediately liked the feeling that the rhythm caused in one’s reading for poetry, in my book, should always be read aloud. I was hearing the voice. It was a voice that happened to sound from afar and it was struggling to link up with a present that would not easily appear.

It was heartbreaking to feel the form. I felt the lines constricting. I saw the phrases dangling to tease, breaking the code of straight talk and inverting them to seduce the mind to think beyond the words. Somewhere, the poems were reverting back to direct sentences, weakening the art of poetry with its universe of ellipses and nuances, but then as suddenly as the words lightened up, the poems then dipped back into a silent retreat, into a cave, to lick its own wounds from the confrontation that it dared to initiate.

For this column, I decide to share parts of the longer paper I am writing about this poet.

In Karangahan, the poet begins with: Bulebard, ikang muymuyon na salog/ki gatas buda patenteng nakahungko,/ako ngonian kahurona. Borlagdan translates this into:Boulevard, you forlorn river/ of milk and downcast lights/ speak to me now. Savor the translation, for in Bikol that which is a dialog has become an entreaty.)

The poet is always talking to someone but in An istorya ninda, an osipon ta, he talks about a the fruits of some narrative: Ta sa dara nindang korona kita an hadi/ sa krus, kita su may nakatadok na espada./Naitaram na ninda an saindang istorya./Punan ta na man su satong osipon./This I translate as: For in the crown they bear we are the King/ on the cross, with the embedded sword./ Marvel at this construction, as the poet cuts at the word “hadi” and begins the next line with “krus” and the “espada.” Marvel, too, at how he looks at conversion and faith, a process that made us special but also wounded us with ourselves stuck with the sword.

Finally, the poet says those lines of the true believer: They have already spoken their story, now let us begin with our tale. The poet does not have a translation but will the istorya in this line be “history” and osipon be “myth.” Shall these last four lines in the first stanza be both a subversion of our faith embedded in a foreign culture or a celebration of what we are not, and what we have not become?
Puni na an paghidaw. Puni na an pagluwas/hali sa kwartong pano ki luha, puni na/an paghiling sa luwas kan bintana./Puni na an paghidaw para sa binayaan./Puni na an pagsulit sa daluging tinimakan./Puni na an paghidaw sa mga sinugbang utoban. Terrifying lines as the poet calls us to begin the remembering and also begin the moving out from the room full of tears. In the poet’s mind, the lacrimarum vale or valley of tears had become an intimate area for instigating his own release.

The rhythm is there as in a prayer. But it is no prayer. There is the repetition but it is not a plea. There is the self but it is one that has turned away from itself into something else. That self is one that shall face the recollection of the faith that has been burned.

And yet the poet, resolute when he wants to, loves to sing and hint of fear and anxiety. Even when he is merely observing children playing in the rains, he summons images of terrible beauty. The skies become diklom na pinandon na “may luho” (with hole). From this hole, comes the sarong pisi ki sildang/ tisuhon na buminulos. The poet stays with this metaphor with such intensity that the silken thread coming from the hole justifiably becomes luhang garo hipidon na busay/paluwas sa mata/kan dagom. Dark wit and a penchant for the horrifying are tandem graces in these lines.

This is the poet who can, without self-consciousness, tell us of the …haya/kan mga ayam na namimibi/nakakapabuskad ki barahibo/nakakaulakit ki lungsi. He whispers of “halas na rimuranon, malamti/sa hapiyap kan mga bituon.”
This is a startling universe, where dogs pray (and bay), and where fears bloom and paleness afflicts and infects, and serpents are caressed by the stars.