Mga Katawan ng Gabi
(Isang pagtatagpi-tagpi ng hiwa-hiwa at hiwahiwalay na katawan. Tulad ng dati inaalay sa isang diyos, bituin at estado ng pighati. Unang-una kay mahal, dahil sa kanya ang apoy na ito at lamig. Pero, malaking bahagi ay nakalaan sa higanteng pagbubuklod at pagbubukod ng lahat ng yumatangis habang nagdiriwang ang mga bituin, para rin sa kanila ang boses na ito.)
1. Unang Katawan
Ngayong Gabi
tulog ka na
siguro.
Siguro, sa kung saan
na hindi ko kayang puntahan, masaya
kang lumilimot
nitong mundo.
Gustong-gusto ko
sanang datnan ka
sa ganitong apoy
ng loob, kalma ng dibdib
sapagkat, mahal kita—tahimik
nag-iingat
kumatog ang aking loob
at baka
magising ka.
Sa akin na itong Gabi
para tapusin,
kahit nag-iisa. Sa akin na itong dilim
at lamig para sagupain,
sugpuin. Nang bukas
may umaga ang mundo
kang gigisingan.
2. Pangalawang Katawan
Kay gandang gabi upang ipaubaya lamang
sa kalungkutan!
Tinatawagan ko ang lahat, gubat, bato, halaman.
Kayong mga katawang hiwalay sa akin.
Oo’ t may sumpa itong batuhan
sa hubad na talampakan
May pag-gigiit ang pagkalas ng kaluluwa
na di kayang pangatawanan ng laman
Tulad ng ari at sikmura may sariling gutom
ang isipan: Ang tuntunin ang umpisa ng sulo
Manipulahin ang sikretong orasyon ng panggatong
Ngunit kahit ito “y kailangan nang tapusin
Ang gutom ay walang hantungan, hanggang, marahil,
ang gutom ang lumamon sa sarili,
lamang matatapos ang pagkagutom.
*
Sa huli, sa paghahanap ng silbi
isa kang basyong ang laman
ay ang ugong ng kawalan
ng laman. Ngunit wala na sa aking kamay
ang pagsasabi kung tuwa o pagsisisi
ang magiging himlayan mo pagkatapos
ng mahabang paglalakad
kung ang tanging naroroon ay pagmamahal.
Tara, itanong natin sa mga bituin.
Mahal, maaaring ito na lamang, wala nang iba
ang puting ilaw sa dulo ng kuweba
ang naka-unat na kamay na huhugot
sa atin tungo sa paggising at mamatay
na hindi dapat sinadya.
Sa totoo lang, wala nang awit.
Ulyaning Gabi, nalimot kung paano na sumayaw
At kung may awit man, kung may awit man
ay para sa dilim at ang sikreto nitong paghalakhak
na nagsasabing, Halika, tabihan ako sa upuang ito
Kailangan ko ng kasama.
3. Pangatlong Katwan
Ang pinakamalaking takot
nakalaan sa walang katawan
Hindi kalaban o halimaw ito
sa ‘yo, kundi isang ligaya at pag-ibig, oo’ t
sintunadong awit ngunit nakatinga
sa kipot ng lalamunan, paulit-ulit
di tulad ng bilang kundi ng kalangitan
Masagwa, sapagkat ang utak
ay nagiging isang bodega
ng bigong pagtatapang.
Ngunit, sa isipan ang takot
ay isa ring marikit na bulaklak
Marahil hindi dahil wala itong katawan
kundi dapat mo itong hawakan
at iparamdam ang diin ng pananakal.
Paano nga ba hahawakan ang katawan
ng masasayang nakaraan? ugong ng hupyak
na buto sa malagim na oras ng kahel
na pagdapit ng mga dahon.
Gabi ito ng pag-alala sa kabataan.
Ihunos muna ang pakikiapid sa ibang karimlan.
Bihira lang ang nakaraan magnais
na maintindihan.
Saglit lang ang pagtimpi nito ng pagtangis
upang makiusap ng tuwid
at ituro ang mga bukal ng panunubig
at maaaring ilahad nito kung ano ang simula
ng iyong ninanasa.
May pag-asa pa kayang masunog kong muli ang balat
sa malambot na impiyerno ng tapos nang mga pangyayari?
Kung pagtanda ang gantimpala ng kabataan at takot
ang pahingahang papag pagkatapos makibuno
sa kamusmusan. Totoong di na liligaya
Ubusin mo sana ang iyong hininga
sa pagmamahal. Mabuhay silang
ito ang silbi sa mundo. Ang ganda ng gabi
para ipaubaya lamang sa kalungkutan.
4. Pang-apat na Katawan
Isang kaharian ang Gabi
at ang damdami’ y isang dayuhang
walang mahihigaan
Pagsinugod ng mandirigmang tala
ang pag-iisa ano ang aking maiaarmas
kundi ang pagbuklod sa lahat ng alikabok
upang maging alaala ng marami
mong pag-akay sa akin sa iyong tabi.
Tatawag ka, alam ko, nararamdaman ko sa amoy
mula sa walang katiyakang kinaroroonan
ng naiilang na pang-gabing bukadkad.
Isang kaharian ang Gabi ngunit may naiiwang
tulay ang saglit na bulalakaw.
*
sa huli sa bakuran ng iyong mata
ang tanging lugar kung saan matutunton
ang mga hininga.
Ngunit ipinagbabawal ng aking katawan
na hayaang tangayin mo ako ng tuluyan
Kung tuluyang manghihina, at ibibitaw
ng buto ang kapit, at sasadsad sa ‘yo
sa anyong pagsisid ng isdang nahiwalay
at muling nahagilap ang tubig. Isa na namang pag-uulit.
Upang ikulong ako at ang aking mga gabi
sa pagkatok sa ‘yong tarangkahan. Baka mas pakikidigma
ang ganitong paraan. Baka di sumagupa, baka
di lumaban.
5. Panlimang Katawan
Kung mula sa taas titingnan
ang mga naghahanapan sa malamig
na mundo, mula sa mata marahil
ng mga bituin, tulad nila, tayo ‘y isang
pintig din ng pagnais mahupa ang panlalamig.
Magkaroon na sana ng katawang ganap
ang ating paghahanap.
6. Pang-anin na Katawan
Hindi ko sinasadyang tumikom ang maawitin
ang pagtulog na ito’ y di ko sariling
antok. Malamig ang daigdig, mapanira ng sinapupunan,
mapangpaslang sa lahat ng nais makalipad.
May panibagong lamig na gumagapang sa hubad
na Gabi. May mandarambong ng kahulugan
sa malalalim na bituin.
Isang pagkapaos ng paloob na alulong. Isang paninigas ng agos.
Masdan ang pagkabulok ng mga bulaklak, ngunit
ipagluksa ang kawalan ng pagluluksa.
May panibagong lamig na mistulang mapangkupkop
ngunit isang panginoong mapangkamkam
ng nutrisyon sa teatro ng nalupig na pakiramdam.
Patibong sa dagang gutom sa pananalig
ngunit bulag sa silbi. Pader sa blankong tahanan
ng loob. Ito ang kasalukuyan ng bakal.
Ang pagdiriwang sa natuyong pagtubig.
Salamangkero ng kapahingahan sa libo-libong
katre ng Gabi. Upang tulugan ang di mabigyan
ng kasagutan. Upang ihunos ang pagsamo.
Senyal ang maraming tambol ng halakhak
ng sintunadong ligaya. Ligayang isang monumento
ng alamat. Noon: isang mukha sa panaginip.
Kahapon: kalansay sa madamong libingan.
Sa barkong nakalutang sa mundo ng karagatan.
Di mo naisip na ito ang kawalan
sa dibdib ng asong mabangis tumahol
sa umaga ngunit maalulong sa Gabi.
Ito ang lamig. Ikinalulungkot kong sabihing ito
ang totoong kamatayan.
Walang paghilom sa pananaghoy.
Sa pagkapit sa pangako ng mga bulalakaw,
hindi maituturing na pampang sa balsang ginutay ng unos.
Hantungan ngunit hindi katapusan ng pagidlip o pagkalunod.
Imulat sana ng tinik sa nagmamadali
na ito ‘y istasyon lamang ng marahil. Nasa
paghiwa ka pa rin ng daan sa noo
ng kasukalan. pipinan mo ba ng ilaw gasera
ang puting saysay ng buwan.
Mayroon pang pagdaloy, duon sa unahan
nitong pagtuyo. Kailangan. Paano pa susuong
kung wala nang pain. Ang dahilan ng mga sugat
ay para di patunayang maselan ang damdamin,
kailangang makaintindi ng himagsik ang laman
Kahit di aminin ng naghuhuramentadong sawi,
may pangalan ang bawat linuha.
May tokador ng alaala ang bawat hinanakit.
Ganito ang paggalaw ng tadhana. Isang utang
ang init ng kaligayahan sa manhid na mundo.
Kailangan munang madurog bago masanay
sa paglutang. Kailangan. Sapagkat ang pag-ibig
ay kailangang lumagpas sa itatagal ng laman
bago makapagdiwang.
Ilan lang ang nakakatiis alaming marami
pang lugar ang kalawakan para sa bagong bituin.
Na di alamat ang mahika.
Kahit papaano ‘y nakadungaw siya
mula sa kanyang ulap. Ituring na itong pag-usad,
kababalaghan sa walang imahinasyong panahon.
Posted by
Jai Jesus Uy Borlagdan
Sunday, January 04, 2004
0 comments:
Post a Comment